Tahimik kong nilakbay ang konkretong daanan ng ubinersidad. Nagbabakasakali na sa aking malalim na pag-iisip ay maliwanagan naman ako kung saan talaga ako tutungo. Nagkunwaring tila isang henyong gutom, at dumukot sa bulsa. Nag-isip ng kung anong masarap na i-meryenda. Mag aalas kwatro na pala. Tumagingting ang barya na sa aking pag kapa ay batid kong, pang PUJ na lng pala pera ko. Wala akong karapatang kumain sa mga oras na ito, sabi ko sa sarili ko. Naubos ang pera sa proyektong pabalik-balik sa pagprint dahil sa mga komento ng aming mahabaging propesor. Sa halip na sa fudcourt ang punta, ay dumiretso sa drinking fountain at uminom ng tila isang litrong malamig na tubig. Nais kong libangin ang aking sariling puno ng pangamba at alinlangan sa buhay. Malungkot at walang makausap. Medyo gutom at nagdarasal na sana aprub si sir sa aming pinaghirapang proyekto. Gustong lumamig ang ulo at mapag-isa. Ayaw ng kausap, ingay, at kasamang kinukontrol ka kung saan kayo pupunta. Kaya't tinungo ang silid aklatan. Tahimik, nakakarelax at syempre, malamig. Bawal magdal-dalan, bawal matulog, bawal kumain dito. Parang dito nga ang sadya ko! Umakyat sa ikatlong palapag, sa Filipiniana section. Pumili ng mga babasahing angkop sa kasalukuyang kondisyon. "THANK GOD HE'S BOSS.." ni Bo Sanchez, ang kinuha ko. Tiningnan ko sa likuran ng cover ang bilang ng mga humiram nito. Marami na rin ang bumasa ng librong ito at malamang...naliwanagan. Dahan-dahan kong binuklat kasi may kalumaan na. Nagmistulang prayer session ang aking pagbabasa. Ang mga nakalathalang kaganapan sa kanyang buhay ay tila isang pagbabalik tanaw kung paano niya iminungkahi sa kanyang sarili ang tunay na kaligayahan. Masayahing tao at mahusay magpatawa ang sumulat ng aklat na ito. Sa mga makukulay niyang karanasan, nagbigay ngiti ito sa kabataan at sa mga malubhang nakatali sa kahinaan. Binuksan nito ang aking isipan sa realidad na ang buhay ay bukod sa weather weather lang, ay maari ring maihahalintulad sa isang paru-parong malayang naglalaro sa luntiang kapatagan. Ang pagiging isang ehemplo at makatao ang siyang tulay sa kanyang paglaganap sa banal na salita, na sa buhay ng bawat nilalang ay nakatatak ang pagmamahal ng Tagapaglikha. Kulang nga ang pera ko sa panahong iyon, di matatawaran ng pera ang mga aral na aking natanggap. Sa mga balakid at unos na dinaranas, ay naoorganisa ang puso at isipan na yakapin ang kasaganaang bihirang napapansin. Ilang beses man tayong nabiktima ng mapanlinlang na mundo ay nasa puso lang natin ang boses na tutugon sa atin kung saan tayo dapat pupunta. Tama nga...sadyang , pinapadanas o dumadanas tayo ng kalungkutan upang hagkan at dinggin ang boses sa ating pusong nagsasabing: "tumungo ka muna sa iyong banal na kalooban at pakinggan ang iyong sarili.."
P.S. nalipasan ako ng gutom..at di ko napansing natapos ko palang basahin ang buong libro.
Unboxing BOSE S1 Pro+ and Bose Mic/Line Transmitter
2 months ago
No comments:
Post a Comment