Thursday, October 13, 2011

Law-uy ni Letty (No. 1 Choice)

Nilalaman ng isang kapirasong papel ang mga ulam na mapagpipilian. Mabilis na desisyon ang kinakailangan: pakbit, paksiw, monggo, pritong manok, gata, etc. Kung mabagal ka o kung wala ka sa iyong lamesa, malamang dadatnan mo ay bihong maitim. Mahigpit at mabilis kumuha ng order si Jimmy boy. Para sa kanya, "time is gold kaya Letty's choice."
Kung may menung mapagpipilian, meron na mang mga topics na hindi maiiwasan sa hapagkainan (FYI, ang lamesa ko ang hapagkainan). Walang mintis kung itoy banggitin, mapalumanay man o mabilis. Gayunpaman ay nakasanayan na lang naming tumawa at dinadaan na lang sa paghigop ng mainit na sabaw ng law-uy.
Naging espesyal ang law-uy di dahil napapagaan ang mga problemang dala ng itlog (bakit itlog?), pera, pera, babae, trabaho, pera nanaman, etc., kundi sa mga taong nakakasalamuha mo at sa mga pagsalu-salo ng mga perspektibo sa buhay na mapagpupulutan ng aral. Nagiging "malagkit" at malaman ang diskusyon sapagkat nagmimistulang okra ang bawat isa. Taglay namin ang kanya-kanyang karanasan at paniniwala. May potensyal na palaputin ang mundong ginagalawan at paalatin ang imahinasyong di mapapantayan.
Siguro nga, masagwang tingnan ang lagkit ng sabaw ng law-uy, pero, kalimitan ito ang nagbibigay ng yunik na karakter sa kanya. Pinagsama-samang gulay na ubod ng sustansya, ngunit di nagugustuhan ng iba.
Kanya-kanyang order, kanya-kanyang gusto, ngunit sa huli, ay mga sangkap pa rin tayo na kinakailangang hasain ang potensyal.