Inaatake na naman ako ng antok kaya't humakbang patungo sa mumunting lamesa at dahan-dahang tinatantiya ang timpla ng nakaugaliang lasa ng kape. Huling araw ito ng pagpasok sa opisina at animo'y naging tahimik na bodega ang silid na aking ginagalawan. Bagama't wala si boss, tahimik nga naman ang lungga ng mga dagang umaani sa kani-kanilang prutas at gulay sa "farm ville.". Ang iba nama'y dumadaing na sana hindi maiextend ang kanilang trabaho bukas, kaya't tinatapos nila ngayon ng pilitan. Mag aalas 4 na, at pinatugtog na ng aming mabagsik na kasamahan ang kanta ng "the journey". Malaking pasasalamat ko sa kanya sapagkat nakalimutan kong dalhin ang aking headset at tuloy di ko mapakinggan ang mga nakahilerang kanta ni Jamie Rivera at Gary V. (Lord heal our land). Napapalapit kasi ako sa Maykapal at minsan ay trip ko din ang 80s- oldies. Medyo nabuhayan ang loob ko sa boses ng "the journey." Parang nagjojoyyride. Mainit sa labas at damang-dama ko ito sapagkat sinasalubong nito ang sinumang pumapasok sa banyo. Habang nakatayo at nakatuon ang atensyon sa inuduro ay pilit inaagaw ang iyong pansin dala ng matinding liwanag at maaliwalas na panahon. Kaya nga, ito ang mabisang alternatibo ko sa pagrelax ng aking mata- ang tumingin sa malayong kapatagan at sa luntiang taglay nito.
Sa aking muling pag angat ng aking tasa ay napansin kong malamig na ang aking kapeng magkasing kulay sa sapa ng davao river. Inubos ko na ito, at dali-daling uminom ng tubig na malamig. Nag mistulang “slow motion” ang paggalaw ko na para bang….parang kailan lang. Hawak-hawak ang higanteng kutsarang natanggap sa Kris Kringgle (something big), ay nanalamin ako at napansin ang buhok kong magulo. Sadyang mabait nga naman ang katrabaho ko dito. Tanggap at wala silang pakialam kahit may tuyong toothpaste ka pa sa bibig mo. Kasabay ang paggunita sa aking mga nagawa sa taong 2009. Meron nga ba? Laganap dito sa opisina ang mga sagad na panunuya kaugnay sa iyong kontribusyon sa kumpanya. Diretsahan kang hinahampas ng mga katagang pilit pinaparamdam sa iyong isa kang inutil at mabuti pa'y magresign ka na lang. Pero, binabalutan ito ng tawanan upang nang sa ganun ay maibsan ang lakas ng tama nito sa kalooban. Idagdag mo na diyan ang mga pagkakataong matritripan ka dahil sa iyong suot na polo at kumikinang na leather shoes, sabay ang malakas na tanong: “May interview sa ibang kumpanya?” Ngunit kung titingnan nating mabuti, tayo nga lang ang makakapagsabi kung meron nga ba tayong nagawa o wala. Sa madaling salita, nasa sa atin ang desisyon, ebalwasyon at ang pagbabago para simulan ang napansing kakulangan.
Nakakabagot nga namang isipin na sa pagbalik mo sa January 4 (balik trabaho), ay parehang-pareha pa rin ang pagkakaayos ng iyong mga gamit sa lamesa. Ang mga scratch papers na nilalaman ang mga detalyeng: load – 150, light – 1000, avon – 500, dakki – 400, cup noodles – 45, at iba pa, ang laptop na parang may granules na ang keyboard, ang shelves na pinamamahayan na (yata) ng daga at ahas at mga tupperwares na nakapondo dahil sa tamad ng dalhin sa bahay at parang magbabagong taon na rin sila opisina., mga posters na binabalot na ng matinding alikabok. Mabuti na lang at naisipan kong linisin ang aking balwarte at bigyan ng importansya ang mga kagamitang ipinagkaloob sa akin.
Magiging madugo ang taong ito. Sa buwan ng Hulyo ay susuungin naming ang butas ng karayom sa pag-abot sa pagpapatunay na kami nga ay qualipikado sa International Standards. Ang aming grupo ang may malaking pananagutan at responsibilidad sa misyong ito. At medyo, hinahanda ko na ang aking sarili sa mga delubyong paparating. Isang malaking hakbang din ito para maging matatag at magaling din ako sa binigay sa aking trabaho.
Magkahalong takot at saya ang pagsalubong sa 2010. Nababanggit ko sa isipan ang aking mga plano kung paano ko patakbuhin ang aking sistema sa pag harap ng mga responsibilidad. Nakakatakot ding silipin ang mga dinulot ng mga mali sa nakaraan, kung paano ko ito malalabanan at maiiwasan sa kasalukuyan at hinaharap.
Pilit kong tinitibayan ang aking loob na sa mga pasaning mahaharap ko, di pa rin ako mawawalan ng pag-asa at tiwala sa sarili. Nakatuon din ang aking pangarap sa aking pag-aaral na magiging karagdagang panangga sa hamon ng kompetisyon. Sa pamilya kong sumusuporta sa tinatahak kong landas sa kumplikado kong trabaho, nawa’y mabalanse ko ang oras na ilalaan. Sa, mga nagmamahal at mga minamahal ko at importanteng tao, nawa’y maabot ko ang tagumpay at maibalik sa kanila ang kaligayahang naidulot.
Pipilitin at sisikapin kong gumawa ng sistemang tutulong sa aking paggalaw sa mundo na puno ng tukso at oportunidad at ipapagpatuloy ko ang pagiging isang ehemplo sa aking mga kapatid at mga kaibigan.
Kaya’t 2010, kung sino ka man, tigilan mo na ang pananakot sa akin.
Unboxing BOSE S1 Pro+ and Bose Mic/Line Transmitter
2 months ago
No comments:
Post a Comment