Tuesday, June 23, 2009

Hahai

Mahirap nga yatang makipagtalo sa taong ayaw namang sumagot. Hindi umiimik. Kung tatanungin mo kung anong problema?, ay sasagot ng "wala". Isang delubyo ang pagkakataong parang nagkukunwaring pipi at bingi dahil sa iyong nagawang kasalanang pilit mong binabalik tanaw. Expect the worst ika nga. Pero hindi ka naman karapat dapat tumanggap ng matamis at magandang pakikitungo kung sa kanyang pagiging isang bagyo, ay di mo siya kayang kontrolin at intindihin.
Halina't busisihin nating mabuti ang mga salitang kadalsa'y di natin maintindihan:

FINE
- Ito ang ginagamit nila para tapusin ang argumentong alam nilang sila ang tama.

NOTHING / WALA
- Ang ibig sabihin nito ay "meron" at kailangan mong humanda sapagkat ang mga argumentong nagsisimula sa "nothing" kadalasang nahahantong sa "FINE."

GO AHEAD / SIGE
- Ito ay isang hamon, hindi permiso. Huwag kang gago! Huwag mong gawin.


LOUD SIGH / "Whew"..(Hahai)
- Hindi ito isang salita, pero ito'y isang hindi verbal na mensaheng kadalasang di naiintindihan. Ang isang malakas na "Hahai" ay nagpapahiwatig na ikaw ay isang tanga, idiot, moron atbp, at bakit pa siya nag-aaksaya ng oras para lamang makipagtalo sayo sa "wala."


THAT'S OKAY / OK Lang
- Mapanganib tong mensaheng ito para sa mga kalalakihan. "Ok lng" ay nangangahulugang gusto niyang mag-isip ng maigi bago siya magdedesisyon kung paano ka niya pagbabayarin sa iyong nagawang kasalanan.


THANKS
- Babala: Nagpapasalamat lang. Huwag mo ng itanong o di kaya'y maflattered. Sabihin mo lang "your welcome."

Thursday, June 18, 2009

Si Boss

Tahimik kong nilakbay ang konkretong daanan ng ubinersidad. Nagbabakasakali na sa aking malalim na pag-iisip ay maliwanagan naman ako kung saan talaga ako tutungo. Nagkunwaring tila isang henyong gutom, at dumukot sa bulsa. Nag-isip ng kung anong masarap na i-meryenda. Mag aalas kwatro na pala. Tumagingting ang barya na sa aking pag kapa ay batid kong, pang PUJ na lng pala pera ko. Wala akong karapatang kumain sa mga oras na ito, sabi ko sa sarili ko. Naubos ang pera sa proyektong pabalik-balik sa pagprint dahil sa mga komento ng aming mahabaging propesor. Sa halip na sa fudcourt ang punta, ay dumiretso sa drinking fountain at uminom ng tila isang litrong malamig na tubig. Nais kong libangin ang aking sariling puno ng pangamba at alinlangan sa buhay. Malungkot at walang makausap. Medyo gutom at nagdarasal na sana aprub si sir sa aming pinaghirapang proyekto. Gustong lumamig ang ulo at mapag-isa. Ayaw ng kausap, ingay, at kasamang kinukontrol ka kung saan kayo pupunta. Kaya't tinungo ang silid aklatan. Tahimik, nakakarelax at syempre, malamig. Bawal magdal-dalan, bawal matulog, bawal kumain dito. Parang dito nga ang sadya ko! Umakyat sa ikatlong palapag, sa Filipiniana section. Pumili ng mga babasahing angkop sa kasalukuyang kondisyon. "THANK GOD HE'S BOSS.." ni Bo Sanchez, ang kinuha ko. Tiningnan ko sa likuran ng cover ang bilang ng mga humiram nito. Marami na rin ang bumasa ng librong ito at malamang...naliwanagan. Dahan-dahan kong binuklat kasi may kalumaan na. Nagmistulang prayer session ang aking pagbabasa. Ang mga nakalathalang kaganapan sa kanyang buhay ay tila isang pagbabalik tanaw kung paano niya iminungkahi sa kanyang sarili ang tunay na kaligayahan. Masayahing tao at mahusay magpatawa ang sumulat ng aklat na ito. Sa mga makukulay niyang karanasan, nagbigay ngiti ito sa kabataan at sa mga malubhang nakatali sa kahinaan. Binuksan nito ang aking isipan sa realidad na ang buhay ay bukod sa weather weather lang, ay maari ring maihahalintulad sa isang paru-parong malayang naglalaro sa luntiang kapatagan. Ang pagiging isang ehemplo at makatao ang siyang tulay sa kanyang paglaganap sa banal na salita, na sa buhay ng bawat nilalang ay nakatatak ang pagmamahal ng Tagapaglikha. Kulang nga ang pera ko sa panahong iyon, di matatawaran ng pera ang mga aral na aking natanggap. Sa mga balakid at unos na dinaranas, ay naoorganisa ang puso at isipan na yakapin ang kasaganaang bihirang napapansin. Ilang beses man tayong nabiktima ng mapanlinlang na mundo ay nasa puso lang natin ang boses na tutugon sa atin kung saan tayo dapat pupunta. Tama nga...sadyang , pinapadanas o dumadanas tayo ng kalungkutan upang hagkan at dinggin ang boses sa ating pusong nagsasabing: "tumungo ka muna sa iyong banal na kalooban at pakinggan ang iyong sarili.."


P.S. nalipasan ako ng gutom..at di ko napansing natapos ko palang basahin ang buong libro.

Monday, June 1, 2009

Arinola Conquest

Maimpluwensya ang "ultraman" sa amin ng aking nakababatang kapatid na si Mikoy. Ang mga kagila-gilalas na mga stunts at fighitng scenes ay ibang klase. Sa aming kabataan noon ay manghang-mangha kami sa kanyang pagpuksa sa mga halimaw at iba pang nakakatakot na nilalang. Hanggang matapos ang palabas ay ipinapatuloy namin ang mga kaganapan sa aming paglalaro. Gamit ang hanger (na kadalasan ay pamalo ni mama) bilang isang baril, na para bang nasa giyera kami. Ang paboritong "battle field" namin ay ang kama ni lola. Dahil sa kutson nito ay ganado kaming tumalon at magtumbling. Paulit-ulit kong ginawa ang "tiger jump" at "front roll". Si Mikoy naman ay nangangarap mag "back tumbling."
"Ultraman beam!!", ang sigaw ko sabay tumbling nang biglang may nasagi ako. Paglanding ko sa sahig ay naramdaman ko ang basang sahig. Sumingaw ang amoy na di ko maipaliwanag. Patay! (napasigaw din si Mikoy). Patay si Ultraman, nasagi ko ang arinola ni lola! Ang mala fermented na laman ay sumiklab sa kahoy na sahig. Mabuti na lang at walang nakahalong time bomb or land mines. Dali-dali naming pinunasan ang ebidensya baka kalaboso ang abutin namin at hindi na namin maipagtanggol ang sanlibutan.
Sa aming kalikutan ay general cleaning ang kinalabasan. Inapplyan na lang din namin ng floor wax ang sahig para na man gumaan-gaan ang aming kasalanan. Matapos ang insidenteng iyon ay di na naulit ang paglalaro namin sa battle field na iyon.

p.s. no comment na man si lola sa aming pagpapakintab sa kanyang sahig.

Thursday, May 21, 2009

tooth eeek

Pagkatapos kong maghapunan ay unti-unti kong naramdaman ang kirot sa aking ngipin. Kinaya ko naman ang sakit na iyon kaninang nasa opisina pa ako kaya nga't ipinagsawalang bahala ko na lang. Nagkukuwentuhan kami ng aking nakababatang kapatid ng biglang umaatake na naman ang malakulam na sakit na tila ini-iniksyon sa aking gilagid. Napahinto ako sa aking pagkukuwento at hinimas-himas ang kanan kong panga. Subalit, mas lalong lumalakas ang pwersang taglay ng sakit. Maluha-luha kong binigkas ang gardan at ponstan. Kailangan ko ng pain killer!
Humiga ako sa kama at doon ipinagpatuloy ang kalbaryo. Pilit ko mang ipikit ang aking mga mata ay pilit na nagpapapansin ang kirot. Subalit, imbes na alalayan ako ng aking kapatid ay pinagtawanan pa ako at ginaya ang aking award-winning na pagganap bilang isang biktima ng isang mapangahas na kapalaran.
Makaraan ang ilang minuto ay tumalab na ang pain killer na ininom ko. Mahimbing akong natulog at umaasang hindi na bumalik ang isotorbong kirot.
Sa susunod na linggo, ipapabunot ko na ang magreretire na ngiping ito.
Salamat sa mga ala-ala o ngipin ko.

Thursday, May 14, 2009

Foot print ni Kiko


Ang "pinasugbo" ay isang pagkaing mula sa saging na saba. Malutong, payat na pagkakahiwa na nilgyan ng brown sugar syrup at sesame seeds. Gets? Kadalasan ito ang pasalubong ng mga nagbibiyahe galing Negros. Matamis at nakakachallenge kainin. Akalain mong ang isang piraso nito ay nakalagay lamang sa isang mumunting papel na nagsisilbing hawakan at minsan, nakakain mo pa kasali ang papel lalo na pag malapit ng maubos. Super sticky kasi at syempre, sayang ang caramel at saging na pwede pang lasapin!
Pero ibang klase ang ginawa ni Kiko sa pinasugbo. Imbes na kainin, ay ginawa itong collage. Oo! tila isang di pangkaraniwang ideya. Retreat nun, at inatasan kaming gumawa ng collage or kahit na anong sumisimbolo sa iyong commitment kay Lord, gamit ang mga bagay na makikita sa paligid. Kung sa bagay, tira at nilalanggam na 'yon, kaya yon ang naisip kong gawing materyales. Kanya-kanyang artwork. Kanya-kanyang simbolo. May ibang pumitas ng bulaklak, dahon, tuyong dahon para idikit sa papel. Meron ding ibang gumamit ng basura.
Ang pinasugbong nakalagay sa mumunting papel ngayo'y nakadisplay sa isang buong bond paper.


Foot print na sumisimbolo sa aking paglalakbay kasama ang Panginoon. Sa kagubatang puno ng pangamba, kasama ko Siya. Ang ilaw na kanyang taglay ay ang aking buhay.

Monday, May 4, 2009

SAGLET



Simula’t simula pa ay pinaghahandaan ko na talaga ang pakikipagkita sa “kanya” lalo na pag kasama niya ang kanyang tropa. Hindi ko lubos maintindihan noon kung bakit kailangan kong ibahin ang aking ganap na personalidad para lamang makasabay sa kanilang himig. Ang pagkakahilig nila sa pagkain at “friendly discussion” ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob para sumabay . Empty handed akong lumalaban sa mga pagkakataong nagsisimula na silang gumawa ng eksena. Ang eksenang di angkop sa mga batang manunood ay alay nila sa natatanging biktima. Doon nauungkat ang mga detalyeng pilit mong iniiwasan at mga tanong na hindi mo masagot ng oo o hindi. Sa paglathala ng mga texts na nawrong send, sa mga sagradong endearments na ibinubuko, sa pagkumbinse sa iyo na bumunot ng wallet, at sa kidlat sa bilis na pagtukoy sa iyong “kahinaan” (Maam!), ay isang mala-joyful ride sa roller coaster na walang harness. Dahil silang lahat ay matatalino, mahihirapan kang lumusot. Sari-saring bokabularyo at pamatay na kataga ang aking natututunan. May kanya-kanya din silang paniniwala. Mahusay kumilatis at higit sa lahat, walang mintis sa pagacknowledge - Tse!, I kick u!
IIlan lamang ito sa aking mga “rules of engagement” para sa kanila:
1.Iwasang mawrong send
2.Huwag dib-dibin ang “tse!”
3.(Mas lalong) Huwag dib-dibin ang “i kick ur balls!”
4.(Pinaka lalong) Huwag dibdibin ang mga comments sa multiply
5.Pakiramdaman ang mood ng bawat isa (lalo na si …)
6.Matutong magsalita at makijoin sa usapan (kahit mahirap)
7.Iwasang maging korni kadalasan (minsan lang)
8.Maging listo sa mga jokes na binibitawan nila
9.Huwag magpapahalatang nasaktan/apektado
10.Huwag maging killjoy

Sa pagtakbo ng panahon, ay nabuo ang kagustuhan kong sila’y maging kaibigan at lubusang makilala.

TSE!!!! I KICK U ALL!!! LOL!

Monday, March 9, 2009

Paalam Kiko


Pumanaw na si Kiko. Oo, si Francis “Kiko” Magalona. Feeling close mang pakinggan, ay nakakalungkot talagang isispin ang malaking kawalang ito. Naging instrumento siya sa larangan ng musika na nagmumungkahing mailabas at mapakinggan ang saloobin ng kabataang pinoy. Ang kanyang sinimulan ay nagsilbing pugad ng mga talentadong taong may malaking adhikain sa inang bayan. Maraming mga musikerong sumikat at humubog sa isipan ng karamihan kung paano mahalin ang sariling atin at palaguin ang natatanging nakatagong talento. Ang dating Pepe ay binuhay ni Kiko sa kanyang mainspirasyong kanta na kung saan ay pilit na inaangat ang sambayanang Pilipino.

“….The master rapper has finally wrapped up to meet his Master…”
(- Joey de Leon)